Ikinabahala ng iba’t ibang mga bansa ang pinakabagong pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod ito ng paulit-ulit na pagbangga ng Chinese vessel sa BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
Sa isang pahayag, inilarawan ni US Department of State spokesperson Matthew Miller ang naturang insidente bilang ‘dangerous’ at ‘escalatory actions’ na kagagawan ng China.
Kinundena nila ang sunud-sunod na mga aksyon ng China, kabilang na ang maritime at air incidents ng China sa iba’t ibang bahagi ng South China Sea.
Muling idiniin ni Miller na mayroong umiiral na Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at ng Amerika.
Kung maaalala – sa ilalim ng MDT, otomatikong sasaklolo ang Amerika sa oras na mayroong isinagawang armadong pag-atake laban sa Pilipinas.
Sa magkakahiwalay naman na posts sa X, kapwa kumondena ang mga embassies ng Japan, at Australia.
Panawagan nila – sumunod at kilalanin ng China ang umiiral na international laws, pati na rin ang pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 arbitral ruling.