Nanawagan si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga political backers at influential supporters ni Apollo Quiboloy na
igalang ang batas.
Ito’y sa pamamagitan ng paghimok kay Quiboloy na harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Ipinaalala ni Gen. Marbil sa mga political backers at benefactors ni Quiboloy na ang pagkakanlong ng isang pugante ay seryosong paglabag sa batas.
Pinaalalahanan din ni Marbil ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ, na ang kanilang mga kilos ay dapat nakaayon sa mga turo ng Bibliya, na nagtuturo sa atin na igalang at sumunod sa mga awtoridad.
Nauna nang tiniyak ng PNP Chief ang kaligtasan ni Quiboloy sakaling magdesisyon itong sumuko.
Naniniwala rin ang opisyal na nasa loob lamang ng KOJC compound ito kasama ang 4 pang kapwa akusado base na rin sa mga natatanggap nilang impormasyon.
Nauna nang nanawagan ang PNP kay Quiboloy na huwag nang idamay ang kanyang mga miyembro at taga suporta sa implementasyon ng alias warrant of arrest laban sa kanya.
Hindi anila ito tungkol sa isang sekta o isang simbahan.
Hindi rin ito pagsikil sa kanilang religious freedom kaya hayaan ang PNP na matiwasay na magsagawa ng search operations sa loob ng KOJC compound.