CAMARINES NORTE- Hindi irerekomenda ng Provincial Health Office (PHO) ng Camarines Norte na ipatigil ang mandatory na paggamit ng face shield.
Ito’y kahit tinanggal na ito sa ibang lugar lalo na sa National Capital Region (NCR) at gawin na lang requirement kung nasa loob ng “critical areas” tulad ng mga ospital at health center.
Sinabi sa Brigada News FM Daet ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na mas mainam pa rin na gumamit ng face shield bilang proteksyon sa sakit lalo na sa COVID- 19.
Aniya, kapansin- pansin na kahit pa nga mandatory ang pagsusuot ng face shield dito sa lalawigan lalo na sa mga pampublikong lugar at sa mga enclosed areas ay marami umano ang mistulang ginagawa lang itong palamuti.
Binigyang diin ng doktor na ang pagsusuot ng face shield ay “barrier” upang hindi matalsikan ng laway o droplets sa mukha na nagiging dahilan ng pagkakahawa ng COVID- 19.
Iginiit din nito na nakabatay sa science ang pag oobliga sa paggamit ng face shield taliwas sa sinasabi ng iba.
Lahat umano ng mga polisiya na may kinalaman sa kalusugan na ipinapatupad ng IMT ay nakabase sa mga pag- aaral.
“Hindi naman yan, kumbaga iko- contradict ko lang yung sinabi ni Yorme na walang pag- aaral, may pag aaral po yan, lahat ng ginagawa natin dito sa health ano, bago yan ipatupad may pag aaral po yan, hindi naman nila i- recommend na magkaroon ng face shield kung walang pag aaral, kaya epektibo po yan,” ani Francisco.
Gayunman kung magdedesisyon umano ang Inter Agency Task Force na tanggalin na ang mandatory na pagamit ng face shield ay nakahanda umanong tumalima ang Provincial Incident Team.
Inaasahang magdedesisyon ngayong araw ang IATF kung gagawin pa bang mandatory o hindi na ang pagamit ng face shield.
