‘Pencroscope’ ni CHMSU student Ceejay Faala, umabot na sa 140x ang magnification

Reymund Titong

KABANKALAN CITY, Negros Occidental — Halos dalawang buwan na ang lumipas mula nang maimbento ni Ceejay Faala ang kanyang ‘pencroscope,’ na nagsimula sa 50x magnification. Nagsikap siyang pataasin ito, at ngayon ay umabot na sa 60x at 140x magnification.

Sa interview ng Brigada News FM-Kabankalan, sinabi ni Faala na ang 60x magnification ng kanyang imbensyon ay magagamit ng mga estudyante sa elementarya. Makikita nila ang maliliit na detalye ng mga dahon, asukal, patterns ng tela ng damit, at iba pang bagay na hindi nakikita ng mata.

Read More:  Alleged ‘undersized’ culvert linked to Ilog village flooding, DPWH action sought

Samantala, ang 140x magnification naman ay para sa mga estudyante sa high school, na magbibigay-daan upang makita ang mga organismo tulad ng tardigrades, daphnia, nematodes, paramecium, algae, lamok at larvae, pati na rin ang mas detalyadong bahagi ng mga insekto.

Photo by Ceejay Faala

Sa bagong bersyon ng kanyang imbensyon, tumaas lamang ang magnification, pero ang mga materyales na ginamit niya ay pareho pa rin sa una nitong na-imbento.

Ang ‘Pencroscope’ ay hango sa salitang ‘pen’ at ‘microscope.’ Isa itong compact digital microscope na gawa mula sa highlighter at iba pang mga recycled materials.

Read More:  PRO-8 files multiple charges against teen suspect in Tacloban School shooting

Dagdag pa ni Faala, ang 350x magnification ng kanyang imbensyon ay nasa “trial and error” pa na yugto. Ngunit kapag natapos na niya ito, magagawa na nitong makita ang mga internal na istruktura ng mga bacteria at mga cells sa dugo.

Maalala na si Faala ay kasalukuyang nasa ikatlong taon na ng kanyang pag-aaral ng agham sa Carlos Hilado Memorial State University (CHMSU) Binalbagan campus sa Negros Occidental.* -BNFM Kabankalan