Recycled digital microscope naimbento ng isang estudyante sa Negros Occidental

Reymund Titong

KABANKALAN CITY, Negros Occidental — Si Ceejay Faala, isang 21-anyos na estudyante ng agham mula sa Carlos Hilado Memorial State University (CHMSU) Binalbagan campus sa Negros Occidental, ay nakaimbento ng isang pen-sized digital microscope gamit lamang ang isang highlighter at iba pang mga recycled materials.

Gamit ang isang itinapong highlighter, nakabuo si Faala ng isang digital microscope na kasinlaki ng bolpen, na tinawag niyang ‘penroscope.’

Si Faala, mula sa Barangay Bagroy sa Binalbagan, ang nagdisenyo ng ‘penroscope,’ isang aparato na may sukat na 9×3 sentimetro. Bagama’t maliit, ito ay kumakatawan sa mas malaking ideya: na ang inobasyon ay hindi eksklusibo sa mayayaman o mga pribilehiyo kundi pag-aari ng sinumang may pagkamausisa at determinasyon para sa agham.

Ang pangalang ‘penroscope’ ay ang kumbinasyon ng ‘pen’ at ‘microscope.’ Ang compact na digital microscope, na gawa sa mga recycled na materyales mula sa itinapong electronic devices, ay makatutulong sa siyentipikong obserbasyon, lalo na sa mga paaralan na kulang sa kagamitan.

Read More:  Boracay Ati group files cases vs real estate firm over disputed CARP land

Lagi nang nais ni Faala na magkaroon ng microscope, ngunit masyadong mahal ito. Sa halip na hayaang pigilan siya nito, pinagtrabahuhan ni Faala ang kanyang penroscope, na maaaring ikonekta sa smartphone, telebisyon, o desktop computer.

Noong Agosto 2024, natapos niya ang proyekto.

Ang balita tungkol sa penroscope ay mabilis na kumalat sa luob at labas ng kampus. Ang kanyang propesor na si Alberto de la Cruz, ay namangha sa pagiging malikhain ni Faala at agad na ipinaalam ito sa mga opisyal ng unibersidad.

Simula noon, inatasan ng CHMSU si De la Cruz na tulungan si Faala sa pag-aapply ng patent sa pamamagitan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).

Read More:  Woman arrested in Iligan online child exploitation sting; two minors rescued

Ang kanyang pagmamahal sa agham, ay impluwensiya ng kanyang mga magulang – ang kanyang ama, na mahilig sa electronics, at ang kanyang ina, na mahilig sa biology – na nagpatibay ng kanyang kagustuhang punan ang mga kakulangan at makahanap ng solusyon.

Bagamat nagsimula ang kanyang pagmamahal sa agham at electronics noong 2020, noong nakaraang Agosto lamang, sa panahon ng semestral na bakasyon, siya ay nagtrabaho sa penroscope.

Ang likha ni Faala ay nagbibigay-daan sa pagpapalawak ng mga bagay sa isang bahagi lamang ng gastos ng mga tradisyunal na microscope. Ang kasalukuyang bersyon ay nagpapalawak ng hanggang 50 beses, na nagbibigay-daan sa pagmamasid sa maliliit na microorganism tulad ng amoeba at iba pa.

Ngayon ay nagtatrabaho si Faala sa karagdagang mga pagpapabuti upang madagdagan ang magnification hanggang 340 beses. -BNFM Kabankalan