Inaksyunan na ng Pinoy Big Brother ang mga akusasyon ng harassment sa nagpapatuloy nitong season.
Nag-ugat ang mga akusasyon mula sa mga na-obserbahang interaksyon sa pagitan nina TJ Valderrama at Shanaia Gomez.
Sa ginawang open forum ng housemates ay napagkasunduan nila ang pagtatakda ng physical boundaries.
Nitong weekend lamang ay kumalat sa social media ang mga pinutol na clips na galing sa 24/7 Kumu livestream ng naturang reality show, kung saan ay makikita ang ginagawang physical contact ng 35-anyos na si TJ sa 19-anyos na si Shanaia.
Noong November 22 episode ng serye ay hiwalay na kinausap ni “Kuya” ang male at female housemates sa confession room para pag-usapan ang lebel ng kanilang pagiging malapit sa isa’t-isa na kanilang ipinadadama sa pamamagitan ng physical contact.
Sa gitna ng kanilang usapan, ay ipinakita ang clips ng housemates na nagyayakapan, pagsandal sa isa’t-isa, at pag-upo ng ilan sa lap ng iba
Natanong naman ni Big Brother sa female housemates kung kanino sila pinaka-kumportable.
Pare-pareho naman isinagot nina Anji Salvacion, 19-anyos, Alexa Ilacad, 21-anyos, at ni Gomez si Valderrama na ayon sa kanila ay itinuturing na nila bilang kanilang nakatatandang kapatid.
