Hindi nagustuhan ng maraming senador ang obserbasyon nito kay Health Secretary Francisco Duque III sa gitna ng ginawang congressional probe kaugnay sa ilang kwestyunableng gastusin ng Department of Health.
Ito ay matapos ipasa ni Duque ng ilang ulit ang mga katanungan ng mga Senador sa kaniyang mga kasamahan sa Department of Health para mabigyan ito ng kasagutan, simula pa sa unang hearing noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee chair Senator Richard Gordon na kailangan magpakalalaki ni Duque at sagutin ang mga tanong ng mga senador nang direkta imbis na ipasa ito sa mga undersecretaries at bureau heads na nasa ilalim ng DOH.

Dagdag ni Gordon, masama para sa imahe ng kalihim sa publiko ang kabiguan nito na sumagot ng direkta sa mga katanungan.
Binigyang diin naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maituturing na incompetent ang head ng isang ahensya kung hindi nito kayang sumagot para sa mga naging aksyon nito.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya sisibakin si Duque mula sa pwesto maliban na lang kung boluntaryo itong magbibitiw.