Nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na walang itatayong karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites sa bansa.
Sa briefing ng Defense Department sa Kamara ngayong araw para sa proposed 2025 budget nito na 258.16 billion pesos, pinadetalye ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ang usapan para sa pagpapalawak ng MDT at kung may babaguhin dito.
Pero ipinaliwanag ni Teodoro na mananatili ang siyam na EDCA sites at ang pangunahing layunin ng pagpapalawak sa MDT ay muling pag-aralan ang interpretasyon ng kasunduan upang gawing akma sa pagtugon sa mga banta na hindi agad nakikita tulad ng cyber threats.
Palalakasin aniya nito ang inter-operable measures para sabayan ang mga bagong taktika ng China sa pamamagitan ng defense-to-defense level.
Nakapaloob sa 500 million US Dollars na military funding sa Pilipinas ang enhancement ng siyam na EDCA sites at security assistance sector partikular sa command and control at land, sea at air capabilities.
Punto ng kalihim, mayroon nang iba’t ibang pamamaraan ng aggression ang China kabilang ang paggamit ng maritime militias at panlilinlang ng China Coast Guard vessels.
Binigyang-diin pa ni Teodoro na kailangang makipagtulungan ang Pilipinas sa mga kaalyadong bansa upang patatagin ang defense posture at masigurong ang 200-mile exclusive economic zone ay mapakikinabangan ng mga Pilipino.