KORONADAL CITY- NAGPALIWANAG ang Department of Health o DOH 12 kaugnay sa diumano’y pag-padlocked sa Soccsksargen General Hospital (SGH).
Nilinaw ni DOH 12 Assistant Regional Director at OIC-Chief ng SGH Dr. Sulpicio Henry Legaspi na ang bagong nursing building lang sa likod ang kanilang ikinandado at hindi ang buong SGH.
Aniya gusto lamang nilang ma-secure ang mahigit sa P 50 million na mga medical at laboratory equipment na nakalagay dito.
Ang bagong nursing building na itinurn-over ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa DOH ay kasalukuyan ding ginagamit bilang quarantine area ng mga personnel ng SGH na nagsasagawa ng COVID 19 vaccination.
Dagdag pa ni Legaspi na hindi pa naiinspeksyon ng Regulation, Licensing and Enforcement Division (RLED) ang nasabing gusali.
Samantala binigyang diin ng opisyal na wala silang natanggap na official communication mula sa provincial government na gagamitin ang bagong building upang lagyan ng mga COVID patients.
Holiday din aniya noong Martes, February 1 nang magtungo sa SGH ang mga staff ng provincial government at natural lamang na ito ay isarado.
Una rito, ikinagulat ni Governor Reynaldo Tamayo Jr ang pag-padlocked ng DOH-12 sa bagong building sa SGH na gagamitin sana upang lagyan ng mga pasyenteng may mild at moderate case ng COVID 19.
Ayon sa gobernador na sinabihan na niya ang DOH noon pang nakaraang linggo na muling iti-take over ng probinsya ang naturang pasilidad dahil sa tumataas na kaso ng COVID 19 at dumaraming admission sa South Cotabato Provincial Hospital.
