Lalo pang pinalakas ng 5th Infantry Division Philippine Army ang kanilang pwersa upang makamit ang kapayapaan at katahimikan sa kanilang nasasakupan matapos bumuo ng panibagong battalion.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan, ang Chief DPAO ng 5ID, sinabi niya na ang pagkakabuo ng 102nd Infantry Battalion ay makatutulong sa pagpapaigting pa ng kampaniya kontra insurhensiya.
Dagdag pa niya na dahil dito ay lalo pang malilimitahan ang galaw ng mga rebeldeng NPA sa lambak ng Cagayan at Cordillera Region.
Ayon kay Capt. Pamittan, sa ngayon ay mayroon ng 167 Non-Commissioned Officers at 8 officers ang 102IB at nagpapatuloy pa ang kanilang pagkalap ng mga karagdagang tauhan.
Aniya, nasa 550 personnel ang kinakailangan para tuluyan nang masimulan ang kanilang organizational training.
Paliwanag niya na pagkatapos ng isasagawang assessment at training ay dito palang malalaman ang kanilang magiging Area of Operation.
Sinisiguro pa ni Capt. Pamittan na sa pamamagitan ng pagdaragdag ng panibagong pwersa ay mas nakikita na ang nalalapit na pagbagsak ng mga rebeldeng NPA sa kanilang nasasakupan.
Samantala, si LTCol. Lemuel Baduya ang itinalaga namang magiging Commander ng bagong Battalion.`
Photo/5ID