Ibeberipika na ng Philippine Coast Guard (PCG) kung ang lumubog na mga motor tanker na Terra Nova at Jason Bradley, at ang sumadsad na motor vessel Mirola 1 ay sangkot sa oil smuggling activities o ‘paihi.’
Ang ‘paihi’ ay nangyayari kapag ang isang malaking vessel ay nagta-transfer ng langis sa mas maliit na vessel sa dagat para maiwasan ang pagbabayad ng tax.
Sa isang pahayag, sinabi ni PCG Bataan station commander Lt. Commander Michael John Encina na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matukoy kung totoo ba ang mga ulat na ang tatlong barko ay dawit sa naturang scheme.
Ayon pa sa kanya, hindi nila sinasabing sangkot ang naturang mga barko sa smuggling, pero hindi nila nais na magbigay ng impormasyon hanggang hindi pa rin ito nakukumpirma ng kanilang mga imbestigador.
Sa ngayon, ‘focus’ daw muna ang ahensya sa paglilinis at pag-contain ng oil spill.