Lifetime pension sa Olympic medalists, isusulong; Yulo – tatanggap na ng P6M mula sa Kongreso

Pag-aaralan ng Kamara na dagdagan ang mga benepisyong tatanggapin ng Olympic medalists bilang pagkilala sa karangalang inuuwi nila sa bansa.

Sa panayam kay House Speaker Martin Romualdez, sinabi nitong kasama sa plano ang pagbibigay ng “lifetime pension” sa mga Pilipinong lumahok sa Olympics at sumungkit ng medalya.

Inatasan na rin ni Romualdez ang mga miyembro ng concerned committees na pag-usapan ang pagpasa ng panukalang batas na layong ma-institutionalize ang pagkakaloob ng dagdag na benepisyo at financial grant para sa medalists.

Read More:  NBI summons Dubai-based vlogger over alleged fake claims on Marcos’ health

Hindi aniya masusuklian ang karangalang inihatid ng Olympians tulad nina Carlos Yulo, Hidilyn Diaz at iba pang atleta na naging kinatawan ng bansa ngunit maaaring kilalanin ang tagumpay sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo.

Paliwanag ni Romualdez, magsisimula ang lifetime pension ng Filipino Olympic gold, silver at bronze medalists kapag tumuntong sa edad na apatnapung taon o sa pagreretiro sa sports.

Kaugnay nito, makikipagpulong ang House Speaker sa pamunuan ng Social Security System upang talakayin kung paano mabibigyan ng lifetime benefits ang medalists sa pension system.

Read More:  PGMN host CJ Hirro named person of interest in alleged ₱350M extortion case

Makikipagtulungan din ang Kongreso sa Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at iba pang sport agencies upang matiyak na sapat ang alokasyon at suporta para sa mga atleta kasama na ang mga nasa grassroots level.

Samantala, kinumpirma ni Romualdez na gagawin na nilang anim na milyong piso ang cash incentive ni Yulo matapos makasungkit ng dalawang gintong medalya para sa floor exercise at men’s vault finals sa Paris Olympics.