CAMARINES NORTE- Itinuturing ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na katuparan ng mga pangarap ng mga mahihirap na taga Camarines Norte ang pagkakaroon ng Malasakit Center na pinasinayaan noong Miyerkules.
Ayon kay Franciso, hindi lingid sa kaalaman ng lahat na araw- araw ay may pumupunta sa kaniyang opisina maging sa tanggapan ng gobernador para humingi ng tulong pinansiyal dahil sa mga bayarin sa ospital.
Ngayon aniya ay matutugunan na ng Malasakit Center ang excess bill sa ospital.
“Papasok sa Provincial Hospital na dala- dala ang lungkot dahil alam niya na sa paglabas niya ay mayroon siyang excess bill na babayaran, kaya ang sagot ng Malasakit Center pagpasok mo, sagot kita sabi ng Malasakit Center,” ani Francisco.
Nagpasalamat naman si Francisco kay Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go dahil sa aniya’y pangarap ng mga taga Camarines Norte na nabigyan ng katuparan.
Ang Malasakit Center ay tinatawag na one- stop shop dahil pinag isa na dito ang iba’t- ibang opisinang nilalapitan ng mga naoospital tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ang nabanggit na mga opisina ay mayroong mga kinatawan upang mag asikaso sa pangailangan ng mga pasyente.

