Magsisimula na ang klase sa buwan ng July para sa school year 2024-2025.
Ito’y matapos aprobahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang unti-unting pagbabalik ng school days sa traditional arrangement.
Ayon sa Presidential Communications Office, magsisimula ang klase sa July 29 at magtatapos sa April 15, 2025.
Una rito pinulong ni Pangulong Marcos si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa Palasyo ng Malacañang kung saan nag presenta ng dalawang option para maibalik sa dating June-March ang school calendar.
Ang unang option ay magkaroon ng 180 school days at 15 in-person Saturday classes, habang ang second option ay magkaroon ng 165 school days at walang in-person Saturday class na parehong magtatapos sa March 31, 2025.
Pero sinabi ni Pangulong Marcos na maikli ang 165 days, at ayaw nya ring pumasok ang mga estudyante tuwing Sabado.
Bilang kompromiso, sinabi ni Pangulong Marcos na sa halip na magtapos sa Marso 31, 2025, dapat ay i-adjust ng DepEd ang school year sa April 15, 2025 upang makumpleto ng mga estudyante ang 180 araw nang hindi kailangan pumasok tuwing Sabado.