Wala nang bagyong mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa kabila nito, iniulat ng PAGASA na posible pa ring ulanin ang ilang bahagi ng bansa bunsod ng pag-iral ng southwest monsoon o habagat.
Dahil dito ay maaaring magkaroon ng pabugso-bugsong mga pag-ulan sa bahagi ng Zambales at Bataan.
Magdadala rin ang habagat ng minsanang pag-ulan sa bahagi ng Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Occidental Mindoro, at Northern Palawan.
Apektado rin nito ang bahagi ng Metro Manila, Abra, Benguet, Nueva Ecija, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Oriental Mindoro, Romblon, Antique, Iloilo, at nalalabing bahagi ng Palawan at Ilocos Region kaya aasahan ang maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan.
Sa pagtataya ng weather bureau – generally, posibleng makaranas ng katamtaman hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pulo-pulong pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa habagat at localized thunderstorms.