Tahasang inamin ni Vice President Sara Duterte na hindi sila magkaibigan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa panayam sa Kamara matapos dumalo sa pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Duterte na nakilala niya lamang si Marcos bilang runningmate noong eleksyon at para sa trabaho.
Hindi aniya sila nag-uusap kahit noon pa ngunit kaibigan niya si Senadora Imee Marcos.
Ibinunyag din ni VP Sara na ang huling beses na nakausap niya ang pangulo ay nang magbitiw ito sa puwesto bilang kalihim ng Department of Education.
Sa ngayon ay pinag-iisipan umano ng pangalawang pangulo ang kanyang susunod na plano at iaanunsyo niya ito sa fourth quarter ng 2026.
Nang matanong kung tatakbo siyang muli kasama ang mga Marcos, direktang sinabi ni Duterte na “never again”.