Sinimulan na ng National Irrigation Administration -MARIIS ngayong umaga ang inisyal na pagpapakawala ng tubig sa apat na main irrigation canals.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay NIA MARIIS Acting Department Manager Engr. Josue Sabio, kabuoang 131.5 cubic meter per second ang napakawalang tubig ngayong araw para sa mga sakahan ngayong wet cropping season.
Aniya, mula sa MARIIS dam ay nasa 81 cms o katumbas ng 74% ang pinalabas mula sa 110 cms nitong capacity, 25 cms naman ang pinakawalan mula sa North Diversion Canal, 22 cms naman sa South High Canal habang 3.5 cms naman ang pinakawalan sa Oscariz Main Canal.
Kaugnay dito, mula sa nabanggit na 4 na main canal ay madadaluyan ng tubig ang laterals nito.
Dagdag pa ni Engr. Sabio, kumpara sa mga nakaraang taon na 2nd week ng Hunyo ng pagpapakawala ay inagahan ng tanggapan ngayong taon upang hindi maabutan ng mga buwan na madalas may bagyo ang pag-aani ng mga magsasaka.