CAMARINES SUR- Nakapaghanda na ng mitigation plan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ilang linggo bago pumasok ang buwan ng Pebrero kung saan inaasahang mararanasan na rin ang epekto ng El Niño Phenomenon.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Atty. Nilo Consuelo, Chief of Fisheries Production and Support Services Division ng BFAR Bicol, napag-alaman na malaking papel ang ginagampanan ng mitigation plan upang malaman kung paano mapaghahandaan ang nasabing phenomenon.
Aniya, bukod sa dapat maiwasan ang pagkasayang ng mga aquatic species, dapat alam din ng mga LGUs kung paano mapapakinabangan ang mga isdang may maraming produksyon tuwing tag-init.
Sa Camarines Sur, kilala ang bayan ng Ragay at Pasacao sa maraming produksyon ng sardinas tuwing mainit ang panahon habang tuna naman sa bayan ng Lagonoy.
Payo naman ni Consuelo sa mga lokal na pamahalaan ng Camarines Sur na may mga lawa at fish ponds, dapat na silang magbawas ng fish stocking pagdating ng El Niño upang maiwasan ang pagkakaroon ng fish kill.