Mga purok sa 28 na barangay sa Tumauini, Isabela na may kaso ng covid-19, isasailalim sa total lockdown

Isasailalim sa total lockdown ang mga purok sa 28 mula sa 46 na barangay sa Tumauini, Isabela na mayroong naitalang aktibong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Arnold Bautista ng Tumauini, Isabela, sa ngayon ay nasa 144 ang aktibong kaso ng bayan kung kaya’t napagdesisyunan nito kasama ang mga barangay kapitan, Sangguniang Panlunsod at iba pang department heads na isailalim na sa total lockdown ang mga natukoy na barangay upang hindi na kumalat pa ang virus.

Kabilang na umano sa 144 na kaso ang mga army reserved trainees na naka-isolate sa Camp Samal sa Brgy. Arcon, Tumauini Isabela.

Read More:  Four CPSU graduates enter 2026 LET top rankings

Kinumpirma rin ng alkalde na naitala ang kaso ng COVID-19 Delta Variant sa Brgy. Antagan 1st at Minanga kung saan apat dito ay gumaling na habang ang apat ay patuloy na naka-isolate sa LGU quarantine facility.

Dagdag pa ni Mayor Bautista, batay umano sa kanilang imbestigasyon sa kaso umano ng delta variant sa isang barangay ay locally transmitted habang ang iba ay inaalam pa kung mayroong nakasalamuhang galing sa ibang bansa o karatig na probinsya.

Samantala, sa mga residenteng apektado ng purok total lockdown ay hindi pinapayagang lumabas ngunit maaring magpabili na lamang sa mga barangay officials ng kanilang pangangailangan.

Read More:  Father, son killed in Cebu stabbing while sleeping; mother injured

Ipapatupad din ang liquor ban habang magsisimula naman ng alas 9:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga ang curfew hours.

Pinaalalahanan din niya ang mga uuwi sa bayan ng Tumauini na galing sa labas ng probinsya na kumuha ng certificate of acceptance, magprisinta ng negative Antigen o RT-PCR test at makipag-ugnayan sa uuwiang barangay.

Ito umano ay upang maiwasan ang nangyari sa mga nagdaang araw na maraming umuuwi na hindi dumadaan sa municipal health office at naapektuhan ang uuwiang barangay kapag nagpositibo ang mga ito sa COVID-19.