BATANGAS CITY – Patuloy pa rin ang pagdasa ng mga pasaherong magsisiuwi ngayong Miyerkules Santo sa Batangas Port.
Magmula kaninang madaling araw ay nagsimulang dumagsa sa Batangas Port ang mga pasahero patungo sa kani-kanilang mga probinsiya.
Inaasahang mas marami ang pasahero ngayong araw dahil wala nang pasok sa mga trabaho bukas at karamihan din ay half day na lamang ang office hours.
Mahaba na rin ang pila sa mga ticketing booth ng mga shipping line at bago nga makapasok ay mahigpit na din ang ginagawang inspeksyon at body temperature sa mga pasahero.
Samantala, nanawagan naman si Joselito Cruz, manager ng Batangas Port sa mga shipping line na magdagdag ng biyahe kung sakaling dumami pa ang mga pasahero.
Aniya, sapat pa naman ang mga biyahe sa ngayon sa Port of Batangas ngunit mas mahalaga na mayroong nakastandby na bibiyaheng barko.
Gaya sa inaasahan, mahaba na rin ang pila ng mga sasakyang isasakay sa mga RoRo at sa labas ng terminal ay umabot na ng isang kilometro ang pila ng mga sasakyan.
Dahil bakasyon, karamihan sa mga pasahero dito sa Batangas Port ay mga papuntang Puerto Galera, Romblon, Abra de Ilog at Caticlan para magbakasyon sa Boracay, na riyan din ang patungon IloIlo, Roxas at Antique.