Inaayos na ang master listing ng mga magsasaka sa lunsod ng Cauayan para sa fuel discount na ipatutupad ng Department of Agriculture.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, inihayag ni City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo na nitong nagdaang linggo lamang ay nakatanggap sila ng liham mula sa DA Region 2 na nakasaad na magsusumite sila ng master list ng mga kwalipikadong benepisaryo.
Nilinaw niya na ang mga mapapabilang dito ay ang mga farmers at fisherfolks na may makinarya at nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng DA.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang mga agricultural extension workers sa mga barangay para alamin ang mga magsasaka na may agricultural machineries na rehistrado sa RSBSA upang isumite sa regional office.
Ayon pa kay Engr. Alonzo, batay sa kanilang natatanggap na impormasyon na ang bawat magsasaka ay mabibigyan ng parehong halaga ng fuel subsidy gaano man karami ang kanyang mga makinarya.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ni Engr. Alonzo ang kahalagahan ng pagkakarehistro sa RSBSA ng mga magsasaka dahil ito ang pangunahing requirement para makakuha ng ayuda o mapabilang sa mga programa ng Kagawaran ng Agrikultura.
Kaya naman hinikayat niya ang mga farmers na wala pa sa talaan ng RSBSA na magparehistro lamang sa kanilang tanggapan.