Tiniyak ni Sen. Christopher Bong Go na tuloy-tuloy ang maigting na kampanya ng Duterte Administration laban sa kurapsiyon.
Sa kanyang pahayag sa Senate Blue Ribbon Committee hearing binigyan diin nito na hindi kinukunsinti ni Pangulong Duterte ang kahit na sino basta masangkot ito sa katiwalian.
Hinimok naman naman ni Go ang Commission on Audit at Ombudsman na magsagawa ng audit at imbestigasyon hindi lamang sa DOH pati na sa iba pang ahensiya ng gobyerno para masigurong nagagamit sa tama ang pondo ng bayan.
“Even on a mere whiff of corruption, kahit sino ka pa, walang lugar sa amin ni Pangulong Duterte ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno. Pareho kaming galit sa mga magnanakaw. Masagasaan na po ang dapat masagasaan, wala kaming pakialam,” ayon kay Go.
Iginiit ni Go na kahit abala ang Duterte administration sa mga hakbang para labanan ang COVID-19 pandemic, hindi nito binabalewala ang nakapahalagang laban kontra illegal drugs, kriminalidad, at kurapsiyon na bahagi ng pangako ng Pangulo noong eleksiyon.
“Tuluy-tuloy lang at hindi po titigil ang kampanya namin ni Pangulong Duterte laban sa korapsyon. Whether I like it or not, iisa lang kami ni Pangulo, iisa ang hangarin namin sa Pilipinas at parehas ang aming prinsipyo,” dagdag pa ng Senador.
