Mahigit P500M utang ng Maselco sa DMCI at NAPOCOR, ikinagulat ng gobernador ng Masbate

Laking-gulat ng gobernador ng Masbate na si Antonio Kho nang marinig ang sagot ng Masbate Electric Cooperative (Maselco) sa tanong niya kung magkano ang utang nito sa DMCI at NAPOCOR.

Ayon sa Maselco, mahigit P300M ang pagkaka-utang nila sa DMCI at gayundin sa NAPOCOR.

Sa inis ng gobernador, binigyan niya ng ultimatum ang nasabing kooperatiba.

Aniya, umapela na siya sa Administrator ng National Electrification Administration (NEA) para tulungan ang kooperatiba at maayos na ang matagal nang problema sa serbisyo ng kuryente sa lalawigan; sabay hikayat nito na dapat magtulungan ang Maselco, Napocor at DMCI sa naturang problema.

Binalaan din niya ang kooperatiba na kapag hindi pa matugunan ang problema sa kuryente ay siya na mismo ang gagawa ng karampatang aksyon.

Malakas naman ang ugong-ugong sa nasabing lalawigan na balak ng administrasyon na isapribado ang nasabing electric cooperative kapag hindi pa matugunan ng mga kinauukulan ang naturang problema.

Una rito, nagpatawag ang gobernador ng Consultation Meeting sa lahat ng kinauukulan para pag-usapan at mabigyan ng solusyon ang problema ng lalawigan sa serbisyo ng kuryente.

Ang pulong ay dinaluhan ng mga lokal na mambabatas, mga alkalde at bise alkalde ng muniispyo at kinatawan ng mga NGOs mulasa 2nd at 3rd District ng lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *