Tiniyak ni Senator at Chairman ng Senate Committee on Health and Demography Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na patuloy na magiging operational ang Malasakit Centers upang mapaganda ang access sa healthcare, partikular na sa harap ng kasalukuyang pandemya.
Kaugnay nito, nangako si Go ng mas mabilis at mas efficient na paghahatid ng mga serbisyo ng naturang mga centers.
“Sisiguraduhin nating magiging mabilis, maayos at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan tulad ng naibibigay na tulong ng Malasakit Centers sa mga nangangailangan,” saad ni Go.
Si Go na main proponent ng Malasakit Centers initiative, ay ang principal author ng Malasakit Centers Act of 2019 na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Siya rin ang ikinokonsidera bilang ama ng Malasakit Centers program na ngayon ay institutionalized ng Republic Act No. 11463.
Ang centers ay one-stop shops para sa lahat ng government medical assistance programs, kung saan pinagsama-sama ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office at PhilHealth, dahilan para mas madali ito lalo na para sa mga mahihirap at indigent Filipinos na makakuha ng medical care.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 141 Malasakit Centers na nag-ooperate sa bansa.
