LEGAZPI CITY – Binigyan diin ng Departmen of Education (DEPED) Bicol na kailangan maipatupad ng maayos ang nagpapatuloy na limited face to face classes sa limang paaralan sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Gilbert Sadsad, ang Regional Director ng nasabing ahensya, tiniyak nito na nasusunod ang lahat na safety at health protocols ng mga bata at guro sa Malama elementary school, Tupas, Balanac, Tandarura at Tiongson Elementary sa Ligao City upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata at guro laban sa sakit na covid 19.
Aniya hindi lang ang mga nabanggit na paaralan sa Albay kasama rin ang paaralan ng Sinalongan Elementary School, Gutusan Elementary School at Mary Perpetua E. Brioso National High School sa Masbate, at Buenavista Elementary School sa Sorsogon City dahil sa kasama rin ito sa listahan para sa pilot testing area.
May kabuuang 120 pampublikong paaralan sa bansa ang kasama sa listahan na karamihan ay liblib na komunidad at nauuri bilang low-risk ng COVID-19 ng DOH.
Ang mga magulang ng mga mag-aaral sa pilot classes ay nagbigay ng kanilang pahintulot para sa pagpapatuloy ng face-to-face classes dahil hindi sila apektado ng nasabing sakit. Sinabi ng opisyal, sila ang unang rehiyon na pumasa sa granular assessment ng Department of Health at Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases. Ang pilot na ipinatutupad sa mga paaralan sa rehiyon na limited face-to-face na mga klase ay tatakbo mula Nobyembre 15 hanggang Enero 31, 2022.