Pagbubunot ng uban, iniaalok na service ng isang salon sa Japan

Tokyo, Japan– Naging bahagi ng ating buhay bilang batang Pilipino ang pagbubunot ng uban mula sa ating mga magulang, lolo at lola, kapalit ng barya na ipambibili natin ng chichirya.

Marahil ay marami ang makaka relate sa ganyang kwento lalo na kung ikaw ay batang 90’s.

Paglipas ng mahabang panahon, ang dating gawain lang ng mga batang Pinoy ay magiging bahagi na rin pala ng serbisyo na i-aalok ng mga parlor at hair salon.

Sa Tokyo, Japan, isang hair salon ang nag aalok ng serbisyong pagbubunot ng uban sakanilang mga customers.

Ayon sa ulat, taong 2019 pa nang binuksan ang salon na Shiraganuki Honten na matatagpuan sa Kita City, Tokyo.

Kakaiba at bukod tangi ang salon na ito dahil tanging pag-bubunot lamang ng uban ang kanilang iniaalok na serbisyo sa mga parokyano.

Mayroong dalawang choices ang kanilang mga customers sa serbisyong nais nilang i-avail.

Maaari silang hanapan at bunutan ng uban sa loob ng 30 minuto na may service fee na nagkakalahalagang 3,980 YEN habang ang option 2 naman ay pagbubunot ng uban sa loob ng 60 minutes o isang oras na umaabot naman sa 7,480 YEN ang singil.

Ang Shiraganuki Honten ang kauna-unahang salon sa mundo na nagbibigay ng ganitong uri ng serbisyo at kapag isinalin sa wikang Ingles ang ngalan ng kanilang hair salon, nangangahulugan itong “White Hair Plucking Main Store.”### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol