Libreng leptospirosis, tetanus treatment sa mga biktima ng pagbaha – dapat ipasagot sa PhilHealth ayon sa ilang kongresista

Hinimok ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang Department of Health na magbigay ng libreng bakuna laban sa tetano at gamot kontra leptospirosis sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Carina at pinalakas na hanging habagat.

Batay sa House Resolution 1811 na inihain nina Representatives Erwin Tulfo, Ralph Tulfo, Edvic Yap at Eric Go Yap, nais nilang sagutin ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang gastos sa libreng gamot at bakuna.

Read More:  Ex-Lawmaker Defensor: I’m ready to face possible charges

Ipinunto ng mga kongresista na nakapanlulumo ang dinanas ng mga indibidwal at pamilya na nawalan ng tirahan at kabuhayan dulot ng kalamidad kaya hindi na nila kakayanin ang gastos para sa leptospirosis at tetanus treatment.

Mahalaga anila ang papel ng PhilHealth sa pagbibigay ng access sa medical treatments lalo na sa pagtatapos ng pananalasa ng kalamidad.

Binigyang-diin din ng mga ito na tungkulin ng gobyerno na protektahan at itaguyod ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan partikular ang mahihirap kaya mainam na public health intervention ang libreng bakuna at gamot upang maiwasan ang kumplikasyon ng dalawang sakit.

Read More:  Marcos cancels public events, monitors EDSA rally

Dagdag pa nina Tulfo, hindi lamang maiibsan ang gastusin ng mga biktima kundi masisiguro pa ang napapanahon at mabisang pangangalaga sa kalusugan kaya maiiwasan ang pagkamatay dulot ng impeksyon.

Sa kasagsagan ng bagyong Carina at habagat ay marami umano ang walang magawa kundi lumusong sa baha sa kabila ng paalala ang DOH.