Ikinalugod ni House Speaker Martin Romualdez ang pagsusumite ng Third National Government at Bangsamoro Government Intergovernmental Relations Body Progress Report kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Romualdez, malaking bagay ang pagsusumite sa progress report na kumikilala sa pagtutulungan na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
Mahalaga aniya ang kolaborasyon sa pagitan ng national government at Bangsamoro government upang tugunan ang mga hamong kinahaharap ng mamamayan ng BARMM.
Punto nito, ang nakamit na progreso ng bansa sa pagsusulong ng kapayapaan ay nagpapakita ng lakas ng pagkakaisa at magkatuwang na adhikain sa Bagong Pilipinas.
Muli ring tiniyak ng Speaker ang commitment ng Kamara na suportahan ang pag-unlad ng BARMM bilang critical component ng mga inisyatiba para sa kapayapaan.
Nakapaloob sa panukalang pambansang budget sa susunod na taon ang 83.4 billion pesos na pondo bilang Annual Block Grant sa BARMM.
Samantala, umaasa naman si Romualdez na magiging mapayapa at maayos ang pagdaraos ng halalan sa Mayo ng susunod na taon kung saan pipili na ng 80-seat parliament para sa BARMM na siyang kauna-unahang regular na eleksyon sa parliament ng autonomous region.