CAMARINES NORTE- Namahagi ng cash incentives o educational assistance ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte sa mga honor students.
Ginawa ang distribution nitong Martes, Setyembre 6 sa Basud Sports Complex sa Barangay Poblacion 2 na pinamahalaan ng Municipal Treasurer Office.
Ang mga estudyanteng with high honors ay nakatanggap ng halagang P1, 500 habang ang with honors naman ay nakatanggap ng halagang P1,000.
Mayroon ding incentives ang mga atleta na nanalo sa kanilang mga larangan.
Ang mga tumanggap ng insentibo ay ang mga nagtapos ng Grade 6, Grade 10 at 12 nitong nagdaang School Year.
Hindi bababa sa 500 mga estudyante ang kwalipikadong tumanggap ng insentibo.
Ito ay sa bisa ng Municipal Ordinance na layong magbigay hindi lang ng pagkilala kundi tulong na rin sa mga estudyanteng nagpamalas ng husay at talino.
Bagamat maliit na halaga lamang ay magsisilbi itong motibasyon sa mga estudyante sa naturang bayan na pagbutihin ang kanilang pag- aaral.
