SORSOGON CITY – Nagpahayag ng pakikidalamhati ang Sorsogon Police Prov’l Office sa pamumuno ng police director nito na si PCol Arturo Brual Jr. at ang regional director ng PRO5 na si PBGen Rudolf Dimas sa pamilya ng nasawi na si PEMS Israel Rebosura.
Kasabay nito ang pagkondena sa patraydor na pagpatay ng rebeldeng grupong NPA sa kanilang ka-baro.
Si Rebosura, miyembro ng Pilar MPS at naninirahan sa Brgy Ginablan ng nasabing bayan ay tinambangan dakong alas 5:45 ng hapon noong Lunes, Setyembre 5 sa Purok 2, Sitio Cagduyong, Brgy Ginablan.
Sa pahayag sa Brigada News ng hepe ng pulisya na si PMaj Jeronie Fran Fartingca, sinabi nito na hinihintay nila ang resulta ng paraffin test para madetermina kung nakaganti ng putok si Rebosura.
Bagama’t wala pang resulta ng awtopsiya sa mga labi ng biktima, sinabi pa ni Fartingca na tatlo ang tama ng bala nito sa katawan, isa sa tiyan, sa binti at sa hita.
Una rito, nakatanggap umano ng tawag ang kanilang himpilan mula sa Kapitan ng nasabing barangay na may narinig na sunod-sunod na putok ng baril sa nasabing lugar.
Sa pagresponde, natagpuan nila ang motorsiklo ng biktima sa gilid ng kalsada habang ang mga labi nito ay narekober nila sa bangin, 25 metro ang lalim mula sa kalsada na binagsakan nito.


Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang na-slide ang biktima sa kanyang motorsiklo dahil sa mga tama ng bala nang tambangan ito, gumapang umano ito sa madamong gilid ng kalsada hanggang nagpatihulog o nahulog sa bangin.
Natagpuan ang service firearms ni Rebosura sa kanyang tabi at buo ang kanyang mga gamit.
Nabatid na ang biktima ay papuntang Putiao at papasok na sana para mag-duty nang mangyari ang insidente.
Nagluluksa ngayon ang buong hanay ng Pulis Kasanggayahan lalo na ang Pilar MPS sa hindi napapanahong pagpanaw ni PEMS Rebosura.