Sumipa ang presyo ng langis sa world market nitong Huwebes ng higit sa $100 kada bariles na kauna-unahang beses mula noong 2014.
Ito ay matapos ang pag-atake ng Russia sa Ukraine, na dahilan upang mabahala ang buong mundo sa posibilidad ng disruptions sa global energy supply.
Tumaas ang Brent crude ng 7.07 dollars o 7.3% papunta sa 103.91 dollars kada bariles habang sumipa naman ang US West Texas Intermediate (WTI) crude ng 6.43 dollars o 7% papuntang 98.53 dollars kada bariles.
Naabot ng Brent at ng WTI ang pinakamataas nitong antas mula pa noong August at July 2014.
Inihayag ni UBS analyst Giovanni Staunovo na ang russia ang ikatlong pinakamalaking oil producer, at pangalawang pinakamalaking oil exporter.
Ipinunto niya na dahil sa mababang inventories at bumabagsak na spare capacity, ay hindi afford ng oil market na magkaroon ng malaking supply disruptions.
Mababatid na umatake ang Russia sa himpapawid, karagatan, at kalupaan ng Ukraine, na pinakamalaking invasion na ginawa ng isang estado laban sa ibang bansa sa Europa mula noong World War Two.
