Nanawagan si House Minority Leader Marcelino Libanan sa labing-anim na Regional Wage Boards sa labas ng Metro Manila na bilisan na ang pagpapatupad ng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Libanan, dapat na mag-isip na ang wage boards kung magkano ang kinakailangang umento sa sweldo upang matulungan ang mga manggagawa na mabawi ang purchasing power na nawala dulot ng pagsipa ng presyo ng bilihin.
Sa ilalim aniya ng Labor Code ay maaaring i-review at itaas ng wage boards ang take-home pay ng mga manggagawa kahit na walang inihaing petisyon.
Batay sa Pulse Asia survey, pangalawa sa “most urgent concerns” ng mga Pinoy na may edad labingwalong taon pataas ang umento sa sahod kasunod ng pagkontrol sa inflation.
Ipinunto ni Libanan na kailangan ng bansa ang mas mataas na sahod upang palakasin ang household consumption spending, maitaas ang demand para sa produkto at serbisyo at paramihin ang trabaho.
Dagdag pa nito, ang pagkaantala ng pag-apruba sa wage hike ay magbibigay ng “pressure” sa Kamara na magpasa ng nationwide across-the-board wage adjustment.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, 73 percent ng gross domestic product ang household consumption spending.
Lumago lamang ng 4.6 percent ang household final consumption sa unang tatlong buwan ng 2024 na mas mabagal kumpara sa 6.4 percent na naitala sa first quarter of 2023.