SORSOGON CITY – Nagsimula sa Banal na Misa na sinundan ng paglagda sa peace covenant ng mga kandidato sa pagka-Alkalde, Bise Alkalde at Sangguniang Bayan members at iba pang independent local candidates ang isinagawa sa Our Lady of the Pillar sa Brgy Poblacion, Baleno, Masbate.
Ang paglahok ng mga kandidato sa naturang aktibidad ay katibayan ng kanilang pagsuporta upang tumulong na magkaroon ng maayos at mapayapang eleksyon sa darating na halalan ngayong Mayo 9.
Ang covenant signing naman ay naglalayong isulong ang patas na pagsasagawa ng halalan para sa kapakinabangan ng komunidad ng Balenian.
Ang naturang gawain ay itinaguyod ng Baleno Municipal Police Station, na ang tanging hangarin ay maipakita ang pagkakasundo at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Baleno at ang pagsunod ng mga kandidato sa kasunduang lalagdaan upang mapanatili ang isang malinis na eleksyon.
Nangako rin ang Baleno Police na masigasig nilang babantayan ang kanilang nasasakupan at ipagpapatuloy ang Comelec checkpoint na ginagawa araw-araw.
Nagtapos ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng sabayang pagbigkas ng mga kandidato sa covenant na kanilang nilagdaan.
Ang aktibidad ang kauna-unahang peace covenant sa lalawigan ng Masbate.
