CAMARINES SUR – Sa Bicol, makalipas ang napakabagal na takbo ng Enero, kasabay ng unang araw ng Pebrero ay umuusad ang paggunita sa kapanganakan at kasaysayan ni José Maria Panganiban. Ngayong araw, ipinagdiwang ang ika-161 na anibersaryo ng kanyang kaarawan. Ngunit sa kabila nito, sino nga ba si Panganiban, si Jomapa, o si J.M.P?
Si José Maria Panganiban ay isang Bicolanong propagandista, manunulat at bayaning tubong Mambulao, Camarines Norte. Sa kasagsagan ng pananakop ng mga Espanyol, kasama niyang tumindig ang talim ng kanyang pluma at talas ng isipan sa pamamagitan ng pagsusulat habang inilalaban ang reporma laban sa katiwalian ng naghaharing uri.
Subalit bago ito, ayon sa mga tala tungkol sa kanyang buhay at edukasyon, nang mamatay ang kanyang ina ay pinag-aral siya ng kanyang ama sa isang seminaryo. Subalit salungat sa mga naunang tala tungkol sa kanya, sa pananaliksik at pagtitipun ng detalye ni Propesor Javier Leonardo V. Rugeria, napag-alamang hindi natapos ni Panganiban ang pag-aaral sa segunda enseñanza sa Seminario Conciliar de Nueva Caceres bagkus ay ipinagpatuloy ito sa Colegio de Santo Tomas, kung saan niya natapos ang bachiller en artes taong 1883.
Bago pa man nakilala ni Panganiban ang mga propagandistang Pilipino ay kinilala na ang kanyang mga kontribusyon sa larangan ng Medisina at Agham, “Noong 1887, isinulat niya ang Anatomia de Regines na kinilála bilang isa sa mahusay niyang katha. Ang mga isinulat niya tungkol sa general pathology, therapeutics at surgical anatomy ay pinarangalan din,” ayon sa tala ni Virgilio Almario.
Ang kanyang mga nailimbag na akda sa larangan ng agham at kontribusyon sa kasaysayan ay hindi tumigil rito . Nang mapadpad si Panganiban sa Universidad de Barcelona sa España noong 1888 upang ipagpatuloy ang pag-aaral ay dito niya na nakadaupang-palad ang mga akda ng mga propagandistang Pilipino.
Kasabay ng pagpapatuloy niya sa larangan ng pagsulat ay nakiisa siya sa Asociacion Hispano-Filipina at La Solidaridad, kung saan ginamit niyang panulat ang Jomapa at J.M.P
“Sumulat siyá tungkol sa malîng sistema ng edukasyon sa Filipinas at ang hangarin ng malayang pagpapahayag ng saloobin ng mga Filipino. Kinilála mismo ni Jose Rizal ang kaniyang husay sa pagsulat at dakilang adhika para sa bansa,” sa kaparehong tala nabanggit ni Almario.
Ang tapang ni Panganiban, ni Jomapo o ni J.M.P ay nanalaytay at umagos sa kanyang mga akda sa pahayagang ‘La Solidaridad’, sa tulang “Ang Lupang Tinubuan,” “Noches en Mambulao,” “Sa Aking Buhay,” at marami pang iba.
Taong 1890 nang bawian siya ng buhay dahil sa sakit na tuberkulosis sa kanyang boarding house sa Barcelona, Spain. At kalaunan ay naiuwi sa Pilipiinas ang kanyang mga labi, sa tulong ng historyador na si Domingo Abella.
Sa ngayon, Pebrero 1, kaisa ang lungsod ng Naga sa pag-alala sa kanyang kabayanihan at kontribusyon upang makamit ng bansa ang kalayaan laban sa mga Espanyol.
Kaninang umaga, isinagawa sa Naga Central School I ang wreath-laying ceremony at maikling programa na nilahukan ng mga estudyante, guro, at opisyal ng lungsod.