Jane Oineza, nakamtan na ang hinihintay na first lead role sa “Nag-Aapoy Na Damdamin”


Kinikilig at nag-uumapaw umano ang tuwang nadarama ng aktres na si Jane Oineza dahil sa wakas ay nakamtan na nito ang hinihintay na first lead role.

Pagbibidahan ni Jane ang upcoming ABS-CBN at TV5 co-production series na “Nag-aapoy Na Damdamin” na mapapanood simula Hulyo 25 (Martes) dakong 3:50 ng hapon.

“So, ito po talaga yung maituturing ko na first lead teleserye ko.” ayon kay Jane sa ginanap na presscon.

“Ako, sobrang saya lang po, sobrang kilig, nakakatuwa, dahil alam ko na pinaghirapan ko ito. Alam ko na hinintay ko rin naman po ito.” dagdag pa ng aktres.

Giyera sa pagitan ng dalawang power couple ang bubungad sa bagong serye na tampok din sina JC de Vera, Ria Atayde, at Tony Labrusca.

Iikot ang kwento nito sa matinding tunggalian nina Philip (JC) at Lucas (Tony), mga kasinungalingan na magdadamay sa mga babae sa kanilang buhay na sina Olivia/ Claire (Jane) at Melinda (Ria), at paghihinganti na isinumpa ni Philip sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.

Kasama rin sina Joko Diaz, Kim Rodriguez, Maila Gumila, Carla Martinez, Aya Fernandez, at Nico Antonio sa serye na mula sa direksyon nina FM Reyes at Benedict Mique sa ilalim ng JRB Creative Production.

Mapapanood ang bagong serye sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z, at TV5.