Pinuna ng ilang mga transport group ang panibagong transport scheme kung saan ay makaka-biyahe lamang ang mga provincial buses sa piling oras.
Kahapon, sinimulan ang bagong implementasyon ng window hour scheme kung saan ay ba-biyahe lamang ang mga provincial bus na walang special permit sa Metro Manila mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Ito ay ang mga provincial bus na gagamit na lamang ng sarili nilang mga terminal kabilang sa Cubao area.

Sa isang panayam, sinabi ni Samahang Manibela – Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon, national president Mar Valbuena, na isa itong malaking ‘risk’ para sa mga drayber at mga mananakay.
Paliwanag nito, delikado nang bumiyahe nang madaling araw lalo na’t alanganin na ito sa mga komyuter, habang posible namang antukin at madisgrasya ang mga drayber.
Mababatid na nagdulot na kalituhan ang implementasyon ng bagong scheme kung saan, halos kalating araw nang naghintay ang mga pasahero dahil hindi sila naka-abot sa window scheme. Ang ilan, napilitan na raw na sumakay ng mga colorum na van.

Depensa naman ng LTFRB, wala silang utos na magkaroon ng window hours ang mga provincial buses.
Paglilinaw ni LTFRB Executive Director Tina Cassion, ang order nila ay gamitin ang mga public o common terminal kagaya ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX pero pinagpipilitan pa rin daw ng mga operators na isakay ang mga pasahero sa mga pribadong terminal, gayong hindi raw ito pumasa sa kanilang standards.
Ipatatawag din nila ang mga drayber at operator mula sa Provincial Bus Operators Association of the Philippines na hindi bumiyahe dahilan para walang masakyan ang mga pasahero.
#