Binati ng ilang senador ang naging pag-uwi ng gintong medalya ng Filipino gymnastic na si Carlos Yulo sa 2024 Paris Olympics.
Ayon kay Senator Christopher ‘Bong’ Go, ang panalong ito ay nagbibigay ng malaking karangalan sa buong bansa.
Bilang chairperson ng Senate Sports Committee at Senate Youth Committee, tiniyak ni Senator Go na patuloy niyang sususportahan ang mga manlalarong pangarap ding maging kampeon.
Hamon aniya ito sa pamahalaan na maipagpatuloy pa at mas palakasin ang mga programa sa sports upang mabigyan ng pagkakataon at inspirasyon ang iba pang atleta na maipakita ang kanilang gilas at magwagi hindi lamang sa sports kundi sa anumang larangang kanilang pipiliin sa buhay.
Ayon naman kay Senadora Nancy Binay, pinakita lang ni Caloy ang halimbawa ng pagkakaroon ng balanse sa buhay sa kabila ng kagustuhang makamtam ang tagumpay o karangalan.
Dagdag pa niya, ipinakita lang ng kahusayan ni Caloy na hindi kailangang isakripisyo ang pamilya at kaligayaan upang magkaroon ng kapanatagan, lakas at tibay ng loob para harapin ang mga hamon sa buhay.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Senador Win Gatchalian na tiyak siyang nagbigay ng inspirasyon sa maraming Pilipino ang naging historical win nito.
Samantala, umaasa naman si Senador Robin Padilla na hindi ito ang huling gold medal na mauuwi ng mga atletang Pilipino sa naturang paligsahan.