Ilang residente at stranded na pasahero sa Pio Duran, Albay, inilikas dahil sa Bagyong Aghon

LEGAZPI CITY – Inilikas sa evacuation centers ang mga pamilya mula sa 10 coastal barangays sa bayan ng Pio Duran, Albay dahil sa Bagyong Aghon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Noel Ordoña, sinabi niya na kasama sa mga inililikas ang nasa halos 600 stranded passengers sa Pio Duran Port, kung saan mahigit 200 dito ang mga estudyante’t guro sa DEPED Masbate City.

Sinabi ni Ordoña, kung hindi magbago ang forecast ng PAGASA, matapos ang posibleng landfall nito sa bahagi ng Sorsogon ngayong tanghali, asahan na mamayang alas 2 ng hapon ay dadaan ito sa bisinidad ng bayan.

Aniya, mayroong nakatalagang evacuation areas para sa kanila, habang ang mga stranded na mga sasakyan ay pansamantalang inilagay sa mga kalsadang 4 lanes.

Dahil sa bagyo, sinuspinde na umano ang lahat ng mga aktibidad sa dagat pati na rin sa turismo.

Samantala, tiniyak ni Ordoña, mayroong mga nakakain ang stranded passengers dahil mayroong ipinadala ang DSWD gayundin naman ang lokal na pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *