Naglabas ng show cause order ang quad-committee ng Kamara laban sa ilang indibidwal na bigong dumalo sa unang joint public hearing sa Bacolor, Pampanga.
Sa mosyon ni House Committee on Public Accounts Chairman at ABANG LINGKOD Party-list Representative Stephen Paduano, ipina-show cause order ang “executive assistant” ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na si AR Dela Serna.
Gayundin ang acting Mayor ng Bamban, Tarlac na si Erano Timbang, mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Incorporated, incorporators ng Baofu Land Corporation kabilang na si Alice Guo, mga opisyal ng Lucky South 99 at incorporators ng Whirlwind Corporation.
Ikinalaarma ng mga kongresista ang pagliban sa imbestigasyon ng mga importanteng personalidad kaya minarapat nilang ilabas ang show cause orders para sa kooperasyon ng mga ito.
Samantala, hindi rin nakadalo si Roque na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO dahil may kasabay na pagdinig sa Regional Trial Court sa Maynila.
Ipina-cite-in-contempt naman ang authorized representative ng ni-raid na POGO sa Porac, Pampanga na si Cassandra Li Ong dahil sa patuloy na pag-absent sa pagdinig.