Inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga panuntunan para sa mga indibidwal na fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang taped briefing nitong Linggo.
Makokonsidera ang isang tao bilang fully vaccinated kapag lumipas na ang dalawang linggo mula nang matanggap nito ang ikalawang COVID-19 shot mula sa two-dose vaccine o unang shot mula sa isang single-dose brand.
Kailangan ay kabilang ang ginamit na bakuna sa emergency use authorization list ng Philippine Food and Drug Administration, o dapat ay meron itong compassionate special permit ng ahensya o maging bahagi ng emergency use listing ng World Health Organization.

Sa ilalim ng guidelines, ay ipagpapatuloy ng IATF ang intrazonal movement ng fully inoculated na senior citizens sa lugar na nasa ilalim ng general community quarantine o modified quarantine.
Gayunman, kailangan nila ipresenta ang kanilang COVID-19 domestic vaccination card na inisyu ng lehitimong vaccination establishment, o certificate of quarantine completion mula sa Bureau of Quarantine na nagpapakita sa immunization status ng holder.
Pinapayagan na rin ng task force ang interzonal travel.
Dito ay pwedeng ipresenta ng isang fully vaccinated na indibidwal, maging ano pa ang edad nito, ang kanilang vaccination card o certificate of quarantine completion, kapalit ng pag-comply nito sa testing requirement ng local government unit.
Sakali naman matukoy ang isang close contact ng probable o confirmed COVID-19 case, ay pwedeng mapaikli ang facility-based quarantine nito sa pitong araw kung sila ay fully vaccinated na.