Governor Padilla pinangunahan ang blessing ng newly improved emergency room at private rooms ng CNPH future projects para sa ospital inilatag ng gobernador

CAMARINES NORTE- Pinangunahan ni Governor Ricarte “Dong” Padilla ang blessing ng newly improved emergency room at private rooms ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) nitong Lunes ng umaga, Setyembre 5, 2022.

Dumalo rin sa aktibidad si Vice Governor Joseph Ascutia, mga doktor, nurses at kawani ng ospital.

Ayon kay Gov. Padilla prioridad niya ang pagpapaganda at pagsasaayos ng ospital upang maging “responsive” ito sa pangangailangan ng mga taga Camarines Norte.

Ginawa ang pagsasaayos ng emergency room dahil sa unang pasok pa lamang umano niya dito ay napansing mainit at sobrang dilim.

Binasbasan din ang nasa 27 private rooms sa bagong administrative building na nagawa naman sa panahon ng dating administrasyon.

Sa kaniya namang pananalita bago ang blessing ay inilatag ni Govenor Padilla ang mga nagawa ng kaniyang administrasyon sa nakalipas na dalawang buwan ng kaniyang panunungkulan at ang mga plano pang gawin sa hinaharap.

Isa sa pinakauna umano niyang ginawa ay ang pagtatalaga ng Chief of Hospital sa katauhan ni Dr. Liborio Ferrer dahil na rin sa sobrang lawak ng trabaho ng Provincial Health Officer.

Si Ferrer ang tututok sa operasyon ng CNPH habang si Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco naman ay nakatutok na lamang sa health issues sa buong lalawigan.

Panahon na rin daw para i- upgrade ang CNPH patungo sa pagiging General Hospital kaya magdagdag umano ng mga empleado.

Target ni Padilla na madagdagan ang mga nurse mula sa mahigit 90 ngayon ay maging 130 upang ma- augment ang manpower sa mga ward.

Pinagsusumikapan din umanong muling likhain ang hindi bababa sa 60 posisyon na inabolish ng Sanggunaing Panlalawigan ilang araw bago bumaba sa pwesto si dating Governor Edgardo Tallado.

Bibigyang prioridad rin umano niya ang problema sa kakulangan ng gamot at equipment.

Mayroon din umanong request ang Gobernador sa kapatid na si Sen. Robin Padilla, sa Philippine Charity Sweepstakes Office at Philippine Amusement and Gaming Corporation para magkaroon ng Magnetic resonance imaging (MRI) sa lalawigan, karagdagang CT- scan machine at 2D echo.

Magtatayo rin ng 5- storey building sa CNPH ground kung saan ilalagay ang health imaging center at karagdagang dialysis machine at magha- hire ng karagdagang consultants dahil sa kakulangan ng doktor.

Sa susunod na labingdalawang buwan ay ang iba’t- ibang ward naman ng CNPH ang aayusin.

Plano rin ng umano ng Gobernador na magkaroon ng Chemotheraphy treatment sa CNPH, Heart institute at computerization.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *