Minimum na pamasahe sa tricycle sa bayan ng Basud ibababa sa P15 mula sa kasalukuyang P20

CAMARINES NORTE- Posibleng ibaba na rin ang minimum na pamasahe sa tricycle sa bayan ng Basud, Camarines Norte sa mga susunod na araw sa gitna ng unti- unting pagbabalik sa normal nA pamumuhay ng mga tao na naapektuhan ng COVID- 19 pandemic.

Sa ginawang pagpupulong ng Committee on Infrastructure and Public Utility ng Sangguniang Bayan noong nakaraang linggo napagkasunduan na mula sa kasalukuyang P20.00 ay gagawin na itong P15.00 sa unang dalawang kilometro at dagdag na P3.00 sa kada susunod na kilometro.

Maaari namang magkaroon ng agreement ang driver at pasahero na lumagpas sa minimum fare ang pamasahe kung special trip o iba pang valid na dahilan.

Para naman sa mga estudyante, senior citizens at Persons with Disabilities ay magiging P12.00 ang pamasahe sa unang dalawang kilometro at karagdagang P2.00 sa kada susunod na kilometro.

Ang committee report ay iprinesenta nitong Lunes, Setyembre 5 sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan.

Gayunman kailangan pang magpasa ng ordinansa ang konseho para amyendahan ang Municipal Ordinance No 204- 2022 na may petsang June 1, 2020.

Ipinasa ang naturang ordinansa sa kasagsagan ng mga quarantine restrictions dahil sa COVID- 19.

Noong Biyenes naman ay nagsagawa ng public hearing ang Sangguniang Bayan ng Daet para sa panukalang ordinansa sa pamasahe sa tricycle sa capital town ng Camarines Norte.

Habang sa bayan naman ng Labo ay mayroon nang sinusunod na taripa ng pamasahe sa tricycle.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *