Go, suportado ang State of Calamity re: ASF outbreak, MAV increase

Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng Proclamation No. 1143 na nagdedeklara ng State of Calamity sa buong bansa, para sa maximum na isang taon dahil sa African Swine Fever outbreak.

Ayon kay Go, dahil sa deklarasyon ng State of Calamity, mas madaling makapagpatupad ng price ceiling kung kailangan at maiwasan ang overpricing ng pork products, habang ang mga government financial institutions naman ay maaari rin magbigay ng no-interest loans sa mga producers na apektado ng ASF.

Paliwanag ng senador, mahalaga rin umano ito dahil pwede nang gamitin ng Department of Agriculture at mga Local Government Units ang kanilang Quick Response Fund (QRF) para matugunan ang ASF outbreak.

Maliban dito, welcome rin kay Go ang inilabas ng pangulo na EO No. 133 na nagtataas sa Minimum Access Volume (MAV) sa pork meat ng 200,000 metric tons.