Naitala ng Department of Health (DOH) ang karagdagang mga kaso ng coronavirus variants na unang nadiskubre sa United Kingdom (B.1.1.7) at South Africa (B.1.351), maging ang pagkakadiskubre ng variant mula sa India (B.1.617).
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, 46 na mga samples ang isinailalim sa genome sequencing noong May 8, na nagresulta ng pagkakadetect sa 23 mga bagong B.1.351 cases, apat pang B.1.1.7 cases, at dalawang kaso ng B.1.617.
Dagdag ni De Guzman, ang B.1.1.7 variant ay nadetect na sa 12 rehiyon, kung saan 358 kaso ang naitala sa Metro Manila at 145 mga kaso naman mula sa Calabarzon.
Ang B.1.351 variant ay nadetect rin sa 15 rehiyon, kung saan ang Metro Manila ay mayroong 602 case at sa Calabarzon ay mayroong 121 kaso.
Samantala, sinabi naman ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang mga papasok na international travelers ay kadalasang nadidiskubreng nagdadala ng coronavirus variants. // MHEL PACIA
