Umapela ng panalangin mula sa publiko si Senator Christopher Bong Go para sa mga nasawi at sugatang sundalo sa pagbagsak ng C-130 cargo plane sa Patikul, Sulu.
Ginawa ni Go ang pahayag kasabay ng pagtitiyak na maibibigay sa mga biktima ang sapat na tulong mula sa pamahalaan.
Kinumpirma din ni Go na magbibigay sila ng hiwalay na tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktimang sundalo maliban pa sa bigay na tulong ng gobyerno.
Hiniling naman ng Senador na hintayin ang magiging resulta ng imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak ng military plane at huwag nang pangunahan ang pagsisiyasat na isinasagawa ng Philippine Air Force sa pangunguna ni PAF Chief General Allan Paredes.
Iminungkahi naman ni Go na dapat suriin din ang iba pang sasakyan pamhimpapawid ng AFP upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari lalo’t buhay umano ng mga sundalo ang nakataya.
Inihayag din ni Go na labis siyang nasaktan ng makarating sa kanya ang balita, dahil malapit sa kanilang puso ni Pangulong Duterte ang mga sundalo at sa katunayan lagi nila itong pinupuntahan sa naturang kampo upang kumustahin.
