Donnalyn Bartolome, na-scam ng kaniyang kakilala

Nagbabala ang vlogger at singer na si Donnalyn Bartolome sa publiko na huwag magtiwala masyado sa kahit na sino matapos niyang ibunyag na nagantso siya ng aabot sa P1-milliono.

Sinabi ni Donnalyn, na magdidiwang ng kaniyang 27th birthday ngayong araw, na napakagandang regalo para sa kaniya na bigla na lang naglaho ang inutang sa kanya na P1-million.

Nilinaw naman ni Donnalyn na marami ang may pagkakautang sa kaniya.

Pero sinabi niya  na ginagamit ng manggagantso ang kaniyang pangalan para makapangloko ng iba.

Dagdag ni Donnalyn sa kaniyang post, “I’m posting to say nagkamali ako. Wag kayo paloko,”

Ipinakita naman ni Donnalyn sa post ang screenshots ng kanilang palitan ng mensahe ng kumuha sa kaniyang pera.

Hindi naman tinukoy ni Donalyn ang kasarian ng manggagantso ngunit tinukoy niya ito bilang “he” sa kaniyang post.

Sa screenshots naman ay sinabi ng lalaki na kailangan nito ng P1-million bilang show money sa kaniyang pagbili ng sasakyan, dahil kailangan ay nasa P6-8-million ang pera na nakadeposito sa kaniyang bank account..

Ipinunto rin niya na ibabalik niya rin ang pera kinabukasan.