Nananatiling nakabantay ang Department of Health o DOH CALABARZON sa kalusugan ng mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Taal.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ng DOH Region 4A, binanggit ni Regional Director Assistant Secretary Ariel Valencia ang kanilang mga patuloy na hakbang upang matiyak na ligtas ang bawat tao sa loob ng 14 km danger zone.
Aniya, patuloy silang nagpe-preposition ng mga kagamitan lalo na ng facemask na ipinamimigay sa mga residente.
Kasabay ito ng kanyang panawagan sa mga mamamayan na panatilihin ang pagsusuot ng facemask dahil may masamang banta sa kalusugan ang sulfur dioxide o asupre na ibinubuga ng bulkan.
Nabatid na nito lamang nakaraang Sabado nang muli magbuga ng malakas na usok ang Bulkang Taal na nagdulot ng pangamba sa mga tao.