Hindi kumbinsido ang Department of National Defense sa ilang ulat na itinatambak umano ng China sa West Philippine Sea ang dumi ng mga tao.
Kamakailan ang naiulat sa Simularity, na isang geospatial intelligence firm, na nakakita ito ng “raw sewage” mula sa daan-daang mga barko na itinatambak sa mga bahura sa Spratly Islands, na dahilan para magdulot ito ng algae concentration na delikado at pwedeng makapaminsala sa maritime area.
Ayon sa ulat, direktang itinatapon ang wastewater sa Spratly at Paracel Islands, base sa satellite images na kuha ng European Space Agency.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na bineberipika pa ng DND kung totoo ang ulat na itinapon sa nasabing bahagi ng karagatan ang mga dumi na galing sa tao.

Iginiit ng kalihim na habang kinukumpirma pa ng kaniyang departamento kung nakakarating sa Pilipinas ang waste water ng China, ay ikokonsidera nito na hindi totoo ang ulat.
Binigyang diin ng kalihim na kahit kailan ay hindi pa ito nakakatanggap ng anuman ulat tungkol sa waste dumping sa karagatang sakop ng bansa.
Ipinunto rin niya na ang litratong makikita na kasama sa ulat ng Simularity ay kuha sa isang barko na nagtatapon ng dumi ng tao sa Australian Great Barrier Reef noon pang 2014.