Kinasuhan ng graft sina Energy Secretary Alfonso Cusi, Davao-based businessman Dennis Uy, mga opisyal ng Chevron at marami pang iba sa Office of the Ombudsman.
Para ito sa pagbebenta ng shares mula sa Malampaya project na ayon sa mga complainants ay nagdulot ng “undue injury” sa gobyerno.
Sinabi ng complainants sa 48-pahinang reklamo para sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nag-conspire si Cusi at ang iba pang respondents para bigyan ng unwarranted benefits at advantage ang Udenna Corporation na pag-aari ni Uy at ang subsidiary nito na UC Malampaya.
Inihayag naman ng Udenna na hindi pa nito natatanggap ang kopya ng reklamo, na kanilang nalaman lamang mula sa mga naglalabasang balita.
Tiniyak naman ng Udenna na sasagutin nila ang lahat ng alegasyon laban sa kompanya upang patunayan na aboveboard ang lahat ng mga transaksyon nito.
