Comprehensive review sa bagong Senate building, sinang-ayunan ng Ilang kongresista

Suportado ng ilang leader sa Kamara ang pagpapatigil sa konstruksyon ng bagong gusali ng Senado dahil sa lumolobong halaga ng gastos dito.

Napag-alaman kasi na mula sa initial budget na 8.9 billion pesos ay umabot na umano sa 23.3 billion pesos ang nagagastos sa proyekto na matatagpuan sa Taguig City.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon, mahalaga ang transparency at pagtataguyod ng tiwala ng publiko sa lahat ng infrastructure projects.

Bawat sentimo aniya ay marapat na naiuulat upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo.

Naniniwala rin si Zambales Representative Jefferson Khonghun na responsableng desisyon ang pagsasagawa ng comprehensive review na nagpaantala sa proyekto dahil dapat nakahanay ito sa interes ng mga Pilipino.

Punto ni Khonghun, tama lang na ibitin ang Senate building project hangga’t walang nakikitang malinaw at transparent na review na gagarantiyang maayos na ginamit ang pondo.

Dagdag pa ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez, dito na papasok ang kahalagahan ng pananagutan sa paggasta ng gobyerno kung saan nagsisilbing magandang halimbawa ang checks and balances.

Poprotektahan umano ng ikakasang reassessment ang fiscal health ng bansa at masisigurong epektibong nagagastos ang pera ng taumbayan.

Para naman kay Assistant Majority Leader Paolo Ortega, kapag may anomalya sa alokasyon ng pondo ay nasisira ang tiwala sa mga institusyon at naaantala ang pagtugon sa iba pang pangangailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *